Sapagkat si Cion (Maui Taylor) as isang "kulang-kulang," hindi binibigyang halaga ni Ebong ang mga kuwento nito tungkol sa mga nilalang na siya lamang ang nakakakita, tulad ng isang "babaeng mahaba ang buhok." Isang araw, habang nag-uusap sila sa pampang, natagpuan nila ang walang malay na si Fr. Eman (Jay Manalo). Nang mahimasmasan sa tulong ng Kapitanan (Elizabeth Oropesa) ng Barangay Sto. Rosario, sinabi ni Fr. Eman na siya ay isinugo bilang kura paroko. Sampung taon nang walang kura paroko sa lugar na iyon, kaya't malamig ang pagtanggap ng mga tao kay Fr. Eman. Ngunit napukaw ang barangay nang isang araw ay magpakita rin kay Ebong ang "babaeng mahaba ang buhok" habang ito'y kinakausap ni Cion. Dito nagsimula ang masalimuot na mga pangyayari sa Bgy. Sto. Rosario.
Buo at maayos ang daloy ng istoryang Ang Huling Birhen sa Lupa. Magaling ang pagkakadirihe ni Joel Lamangan sa mga nagsiganap na akmang-akma naman sa kani-kaniyang mga papel, maliban lamang kay Daria Ramirez na labis na bata para sa papel niya bilang ina ni Lorena (Ara Mina). Liban dito, makatotohanan ang pagsasalarawan di lamang ng mga tauhan kundi ng buong istorya na rin. Sapat ang lighting, angkop ang tugtugin at script, at mahusay naman ang sinematograpiya, bagama't hindi gaanong makinis ang editing.