Matalik na magkababata sina Isabel (Rica Peralejo) at Clara (Maui Taylor) na kapwa tubong baryo. Ngunit sila ay nagkahiwalay nang ang pamilya ni Clara ay tuluyang lumuwas at nanirahan sa siyudad. Nagpatuloy ang buhay para kay Isabel na nagdalaga sa paghahabi ng tela. Maayos ang kanyang relasyon sa kasintahang si Lando (Antonio Aquintana), liban na lamang sa pagiging sobrang mapusok nito na madalas nilang pag-awayan. Makalipas ang maraming taon, muling nagbalik sa baryo si Clara (dala ang matinding sama ng loob sa kaniyang inang iniwan sila at sumama sa ibang lalaki) at ama nitong si Roman (Ricky Davao). Ikinasayang labis ni Isabel ang pagbabalik ni Clara bagamat marami ng nagbago sa kanilang dalawa. Lingid sa kaalaman ni Clara, ang mga pagbabagong ito at ang pagbabalik ng mag-ama sa baryo ang magiging simula ng pagkakabuhol-buhol ng hibla ng kanilang relasyon.
Mahusay ang pagkakahabi ng Hibla bilang isang sining ng pelikula. Tulad sa paghahabi, naging mabusisi at maingat ang direktor sa bawat eksena. Nakakabighani ang sinematograpiya na nagpatingkad sa bulubundukin ng Tanay. Nakakaenganyo ang tunog at musika na magdadala sa manonood sa tamang antas ng emosyon na nais iparamdam ng palabas. Maayos and daloy ng kwento at hindi ito nalihis sa sentro ng istorya. Liban na lamang sa ilang katanungang naghahanap ng kasagutan. Tulad ng ano ang tunay ng naging buhay ni Clara sa siyudad at paanong nahubog ang kanyang mga baluktot na paniniwala sa pag-ibig at pagnanasa? Naging matapat din ang mga pangunahing tauhan sa kanilang pagganap bagama't hindi hinog ang kanilang mga puntong probinsyano. Sa kabuuan ay maituturing na makasining ang Hibla na maaaring magpaangat sa antas ng panlasa ng manonood sa pelikulang Pilipino.