Nang sila ay maulila, ipinangako ni Vanessa (Assunta del Rosario) na hindi ihihiwalay sa kanyang piling ang kapatid na si Nikka (Alessandra de Rossi), isang dalagitang kulang sa pag-iisip. Kahit hindi angkop ang kapaligiran ng squatters area sa pag-hubog kay Nikka, ibig patunayan ni Vanessa sa DSWD na kaya niyang buhayin at gabayan ang kapatid. Dalawa ang mangingibig ni Vanessa, ang taxi driver at police asset na si Oliver (Wendell Ramos), at si Uno (Jay Manalo) na bodyguard ng isang pinuno ng sindikato sa Pier. Sino sa dalawa ang pipiliin ni Vanessa na magbibigay ng pagmamahal hindi lamang sa kanya kundi para rin kay Nikka? Sa kanyang pagpili, isang di-inaasahang trahedya ang naganap.
Napapanahon ang pelikulang Hubog pagkat tinatalakay nito ang buhay sa lipunan ng mga mahihirap. Masinop na sinuri ni Lamangan ang buhay ng mga tauhan sa lipunang kanilang ginagalawan at matagumpay itong naisalin sa pelikula. Ang mga eksena sa squatters area ay likha ng isang mahusay na sinematograpiya at kahanga-hangang production design. Masasabing makasining ang mga sex scenes at makatotohanan ang pagtalakay sa buhay ng mga kriminal. Ngunit ang kahusayan ng Hubog ay ang pagkaganap ng magkapatid na de Rossi at pagkakadirihe ng dalawang ito. Malayo ang mararating ng magkapatid kung makasining at hindi exploitation ang paiiralin sa kanilang pagganap.