Isang walang kabuluhang buhay ang nararanasan ni Carol (Priscilla Almeda) matapos magsawa sa mga kaligayahan ng mundo…sex, nightlife, worldly things. Dahil dito nagtangka siyang magpakamatay subalit iniligtas siya ni Alma (Via Veloso). Hinikayat siyang sumali sa kanilang grupo, ang Bagong Pagkabuhay, isang kulto na naghahanda para sa katapusan ng mundo. Si Dimas (Raymond Bagatsing), ang lider ng kulto, ay tinatawag nilang Mahal na Sugo. Sa ilang araw na pamamalagi ni Carol sa kampo nila, kamangha-mangha ang kanyang mga natuklasan na taliwas sa normal na pamumuhay ng isang tao. Subalit pinili pa rin niyang sumali dahil sa kanyang paghanga at pagnanasa kay Dimas. Sa kanyang pagsapi, malaking pagbabago ang magaganap sa buhay niya.
Maipagmamalaki ang sinematograpiya ng pelikula. Kahanga-hanga ang lighting effects pagkat ang lugar na mala-Eden ang anyo ay nagagawang balutan ng misteryo sa pamamagitan ng tamang paggamit ng dilim at liwanag. Masasabing artistic ang mga sexual acts, subalit napakarami naman ang eksenang ganito. Tama na sana ang isa o dalawang shots para hindi malaswa ang dating. Maraming mahabang eksena na dapat pinutol ng editing. Muli ay pinatunayan ni Bagatsing na napakahusay niyang artista, versatile, ika nga. Pinatunayan din ni Almeda na ang kanyang hubad na katawan ay kikita pa rin sa takilya. Bakit hinahayaan ng mga artistang tulad niya na bastusin ang kanilang katawan ng dahil sa pera? Kailan kaya nila igagalang at bibigyan ng dignidad ang kanilang sarili?