La Vida Rosa Movie

Nagsasama si Rosa (Rosanna Roces) at si Nato (Diether Ocampo); alaga nila si Enteng (Jiro Manio) na anak ni Rosa sa ibang lalaki, at ang bulag na ina ni Rosa (Liza Lorena). Ang dalawa ay mga miyembro ng isang pipitsuging sindikato na ang espeyalidad ay carnapping. Si Nato ay isang ex-convict na binihisan at ibinahay ng "older woman" na si Rosa, ngunit hindi pa rin makalimot ang lalaki sa kanyang kasintahang si Jhing (Angel Aquino) na ngayo'y nananahimik na kasama ng mayaman niyang asawa at anak. Sapagkat nagnanasa sila ng marangyang buhay, pumayag si Nato at Rosa sa mungkahi ng pinuno ng sindikato, si Lupo (Pen Medina), na bumaling na lamang sa kidnapping upang malaki-laki naman ang kitain nila. Di kalaunan, nagswapang ang dalawa at nag-kidnap lingid sa kaalaman ni Lupo.

Lutang na lutang sa La Vida Rosa ang husay ng pagganap ng mga tauhan. Dama mo na dinidibdib nila ang kanilang mga papel. Ngunit hindi ganoong "kadulas" panoorin ang pelikula dahil sa mga "sabit" sa plot at characterization nito. Maraming "butas" ang istorya na ipinauubaya na lamang sa manonood ang pagtatapal. Hindi pantay ang kalidad ng sinematograpiya—minsa'y magaling, minsa'y patakbuhin. Sa pagtatapos ng pelikula, maaaring maiwang "bitin" ang manonood. Huwag magtaka kung matanong mo ang iyong sarili, "Iyon lang ba?" Ito'y dahil sa tindi ng media hype o "pakulo" na pumanguna sa paglabas ng La Vida Rosa. Dalawang taon nang walang pelikula si Rosanna Roces, kilalang reyna ng paghuhubad sa pinilakang tabing ng Pilipinas, at sa pelikulang ito, tinangka ng artista na patunayang siya'y isang artista at hindi basta "bombera." Matatawag na ring "umarte" si Osang sa La Vida Rosa, bagama't hindi ganoong kalaking kakayahanan ang hiningi ng kanyang papel.