Mula pagkabata ay ramdam ng magkapatid na Rosa (Sara Gomez) at Angela (Katrina Paula) ang di-pantay na pagtingin ng kanilang amang si Simon. Siya'y laging magiliw at mapagmahal kay Rosa ngunit pabulyaw at laging galit naman kay Angela. Maayos na naitaguyod ni Simon ang pamilya bilang tagapangasiwa ng hacienda ni Don Enriquez. Nang magdalaga na ang kanyang mga anak, kinailangan niyang mangutang dito para as pag-aaral ng paborito niyang si Rosa sa Maynila. Nagpaunlak ang biyudong Don sa isang kondisyon: gusto niyang maging asawa si Rosa. Dahil gipit ay kumapit sa pain si Simon. Samantala ay nagdaramdam ang naiwang si Angela kung bakit lagi na lang siyang inaapi ng ama. Nagbigay katwiran ang pagbabalik-tanaw ng pelikula sa gawi ni Simon subalit iba't ibang karanasan ang napagdaanan ng magkapatid hanggang sa magkawatak-watak sila. May pag-asa pa bang mabuo ang kanilang pamilya?
Maganda sana ang pagpapakita ng sinaunang paraan ng pagsasaka at ang tahimik na buhay sa kabukiran ngunit hindi masining ang pagkakahabi nito sa takbo ng kuwento na kalat din. Madalas na malabo ang mga kuha. Imbes na gawing kulay sepia (brown) o lagyan ng filter ang kamera, ang technique na ginamit upang magpakita ng flashback ay ginawang madilim at malabo ang mga eksena. Maliwanag naman ang diyalogo subalit maliban sa karahasan, panghahalay at pagpapakita ng alindog ng mga tauhang babae ay hindi ipinakita kundi sinabi ng mga tauhan ang daloy ng kwento. Para ka tuloy nakikinig ng radyo. Ang pelikula ay isang biswal na paraan ng pamamahayag. Malalaman mo ang mensahe nito hindi sa mga salitang binibigkas kundi sa mga larawang nakikita. Mababaw at di-kapani-paniwala ang mga pangyayari gayundin ang pagganap ng mga aktor. Pati costume ay hindi akma. Ginaya rito ang paggamit ng 'yun at 'yun ding puting kamison sa paliligo sa ilog at batalan, habang naglalakad sa daan, at pambahay! Nagkukunwaring drama ang Nag-aapoy na Langit pero pati pamagat nito ay walang kinalaman sa kuwento.