Piniling ibigin ni Lily (Assunta de Rossi), ang star attraction ng aqua show sa Boracay Club si Nonoy (Raymond Bagatsing), isang playboy na walang kabalak-balak na magpatali sa kangino mang babae, samantalang nandiyan naman si Fidel (Rodel Velayo). Mahal na mahal ni Fidel si Lily sa pag-aakala na siya ang matagal na niyang hinahanap na kasintahang si Rio (Assunta de Rossi). (Nagkahiwalay sila nang mabilanggo si Fidel at nagtangkang magpakamatay si Rio). Kahit nagkaroon ng pagtingin si Lily kay Fidel, ginigiit niya na hindi niya kilala ito. Siya daw ay si Lily at may kasintahan na... hindi makapaniwala si Fidel, siguradong-sigurado siya na si Lily ay si Rio, mula ulo hanggang paa pati sa pagkakaroon ng tattoosa hita. Paanong nangyari ito?
Ang magandang kuha ni Garchitorena sa bughaw na karagatan at ang kahali-halinang musika ni Buencamino ang siyang sasalubong sa manonood sa pagbukas ng pelikula—napakaganda at mapayapa, ngunit napaka-mapaglinlang. Sapagkat sinundan ito ng isang nakakaakit na mukha tuloy sa kaakit-akit na dibdib ng isang babaeng nakikipagtalik. Iyan ay isa lamang sa maraming eksena ng paghuhubo't hubad at pagtatalik ng mga nagsiganap, na binihisan ng isang kuwentong nagpipilit magbigay ng kabuluhan sa pelikula. Napakalabo ng kuwento na kunwa'y komplikado; malabo din ang pag-uugnay ng mga eksena. Maraming katanungang hindi nabigyan ng kasagutan, hanggang magwakas ang sine sa isang walang katuturang palaisipang hindi nakayanang ipaliwanag ng sumulat o ng direktor.