Sina Lilia (Rose Valencia), Lea (Tina Shields), at Lynn (Jeanette Joaquin) ay pawang mga empleyada ng isang resort. Wala silang kaugnayan sa isat-isa liban sa pare-parehas silang nasa problemadong sitwasyon. Si Lilia ay nagtitiis sa piling ng kanyang playboy na boyfriend na si Dave (Jake Montecarlo) na harap-harapan kung siya ay pagtaksilan. Si Lea naman ay nagpapakamartir sa kanyang maluhong kasintahan na si Gerard (Nixon Cruz) na garapalan siyang ginagatasan. Samantalang si Lynn naman ay masaya na sana sa piling ng asawang si Mico (Mon Confiado) ngunit hindi pa rin nito maialis na ito ay isang bakla at paminsan-minsan ay nadadarang sa tukso at multo ng nakaraan. Sa paglipas ng mga araw ay magdadaan sila sa napakaraming pagsubok. Mapagtagumpayan kaya nila ang mga ito?
Walang bagong inihain ang Ako, Siya o Ikaw. Tulad sa inaasahan, pawang mga gasgas ng kuwento ng pag-ibig ang laman ng pelikula. Hindi man lang nagtangka ang direktor na bigyan ng bagong bihis ang talamak nang mga kuwento. Maging ang karakterisasyon ng mga tauhan ay pawang hilaw, maliban lamang sa matapat ng pagganap ni Mon Confiado bilang bading na talaga namang may lalim. Kailangan pang hasain ng kaunti sina Rose Valencia at Jeanette Joaquin pagdating sa pagganap ng pawang may ibubuga naman ngunit hindi nabigyan ng magagandang proyekto. Hindi maliwanag ang kalugaran ng pelikula. Ito ba ay siyudad o sa probinsya? Nagiging kakatwa tuloy ang pelikula sa pangkalahatan bukod pa sa di maayos na pag-iilaw at malabo ang kuha ng kamera.