BIGAY HILIG

Pinagsumikapan ng college-graduate na si Gil (Gardo Verzosa) na maisaayos ang buhay nila ng kanyang asawang si Joy (Red Rivera) sa kabila ng maliit na kita sa pagiging bumbero. Subalit hindi ito naging madali para kay Gilbert pagkat nananaig sa isipan at katawan ni Joy ang ala-ala ng kanyang masalimuot na karanasan, kamunduhan at kawalan ng pag-asa. Pilit na pinagtatapos ni Gil ng high school si Joy, ngunit ayaw ito ng babae. Sa kanyang kahinaan, hinahanapan niya ng katugunan ang hilig ng kanyang katawan sa sex. Saan kaya hahantong ang magkasalungat na pananaw sa buhay nina Gilbert at Joy?

Bagama't may kuwentong maituturing ang Bigay Hilig, hindi maikakailang nagiging behikulo lang ito upang makapagpakita ng labis na eksena ng bawal na pagtatalik. Sa kabuuan ay mahina ang aspetong teknikal ng pelikula. Hindi maayos ang daloy ng editing, nakakainip ang ilang eksena, maingay ang background, at minsa'y nakabibingi ang dialogue. Maliban kay Versoza, ang pagganap ng mga artista ay kapos sa damdamin—lalo na ng si Red Riviera bilang Joy, na mukhang makatotohanan lamang ang pag-arte kapag nakikipagrombohan sa kama. (Artista nga kaya siya?)