Hindi masaya sa kanyang buhay may-asawa si Andrea (Ara Mina), sinasaktan siya ng kanyang asawang si Boggs (Raymond Bagatsing) na isangsecurity guard na wala ring malasakit sa kanyang pangangailangang sekswal. Nang minsang papuntahin ni Boggs ang ka-relyebong security guard na si Tonyo (Carlos Morales) sa kanilang bahay upang dalhan ng pagkain si Andrea, magkahalong awa at bighani ang ang naramdaman ni Tonyo kay Andrea. Nakatagpo ng karamay si Andrea kay Tonyo hanggang nagkaroon sila ng sekswal na relasyon. Hindi lamang sa trabaho naging magkarelyebo sina Boggs at Tonyo, lingid sa kaalaman ni Boggs, karelyebo din niya sa asawa si Tonyo. Unti-unting lumalim ang pagnanasa ni Tonyo kay Andrea habang lalong lumalala ang pagsasama nina Boggs at Andrea. Ngunit ang pagnanasa ni Tonyo ay umabot sa sukdulan at dito ay lumabas ang tunay niyang kulay na kasing-sahol kundi man masahol pa kay Boggs. Panay ang banta ni Boggs na papatayin si Andrea kapag nahuli siyang may ibang lalaki, kasabay din ng banta ni Tonyo na magsusumbong kay Boggs kapag hindi sumama sa kanya si Andrea.
Higit sa inaasahan ang ipinamalas ng Kalabit kung teknikal na aspeto ang pag-uusapan. Maayos ang pakakahabi ng kuwento, may laman ang dialogo, akma ang sinematograpiya at komposisyon. Hindi nga lang masyadong kapani-paniwalang sa matagal na panahon ay naitago nina Andrea at Tonyo ang kanilang relasyon samantalang ding-ding lamang ang pagitan ng kanilang bahay sa mga kapitbahay. Paanong hindi masisilip o maririnig man lang ng mga kapitbahay ang mga halinghingan ng dalawa? Lumutang naman ang kagalingan ng mga pangunahing tauhan na pawang nga premyado. Isang rebelasyon din si Alma Soriano na sadyang lumutang sa iilan niyang eksena.