Biyahera Movie

Malayo ang biniyahe ni Gina (Jeanette Joaquin) sa kagustuhang makapagtrabaho at kumita ng mas malaki sa pangangamuhan kay Lucas (Daniel Fernando). Naging isang waitress siya sa isang kantina sa highway na naging kainan ng mga nagbibiyahe. Hindi inakala ni Gina na mapangabuso si Lucas. Inaabuso at pinagsasamantalahan niyang lahat ang mga babaing nagtatrabaho sa kanya na tulad nina Lilia (Gladys Reyes), Alice (Yda Manzano), at Lorraine (Rita Avila). Sila'y hawak ni Lucas na animo'y mga bilanggo. Si Lilia ay nagpakamatay nang nabigo itong tumakas sapagkat hindi sinipot ng dapat sana'y magtatanan sa kanya. Si Alice naman ay umaasa na mamahalin siya ni Lucas. Si Lorraine naman ay tumanda na sa poder ni Lucas na hindi lumalaban at tinatanggap na lamang ang kaapihan. Nagkaroon ng pag-asa si Gina nang ang isang biyaherong (Gardo Verzosa) kumakain sa kanilang kantina ay nagkagusto sa kanya. Samantala, sa biyahe ay nagkalat ang tulad ni Mildred (Barbara Milano) na nagbebenta ng panandaliang aliw sa highway. May sarili din siyang biyahe: ang maipagamot ang baldadong asawang (Simon Ibarra) na nagahon sa kanya sa putikan.

Sanga-sanga ang daloy ng kuwento ng Biyahera, ngunit mababanaag pa rin ang gustong iparating ng kuwento. Kaya nga lang, kapag sobrang dami ng mga tauhan ay hindi nagiging malalim ang pagkakakilala ng mga manonood sa mga ito. Hindi rin nagiging malawak ang kanilang pang-unawa sa mga kuwento ng mga tauhan sapagkat mababaw lamang ang kanilang nagiging kaalaman. May mga eksena rin na sobrang ipinhaba (katulad ng malungkot na paghihintay ni Lilia sa kanyang katanan), at mga inuulit-ulit na walang kabuluhang tulad ng mga eksena ng kasal ng mag-asawang Barbara at Simon. Ngunit sa kabila ng mga kakulangan nito, may lumulutang pa ring tema ang kuwento. Malaking tulong ang mahusay na sinematograpiya ni Romy Vitug. Magaling ang pagganap ng ilang mga tauhan tulad nina Rita Avila, Gladys Reyes, John Apacible, Daniel Fernando at Gardo Verzosa, ngunit walang naging sentrong karakter ang pelikula.