Giglang Liko Movie

Sa kabila ng mabuting samahan at maigting na pag-iibigan nina Choleng (Barbara Milano) at Gerry (Gerald Madrid), nagpumilit si Choleng na makipagsapalaran sa Maynila kahit pa ito'y nangahulugan ng pagkakalayo nila ni Gerry. Lumipas ang buwan at taon, wala nang balita kay Choleng kung kaya't nagdesisyon si Gerry na lumuwas ng lungsod at hanapin ang kasintahan. Nakipisan siya sa kanyang kababatang si Aldo (Harold Pineda), isang macho dancer na namamasada ng taxi sa araw at nagbebenta ng aliw sa gabi. Namulat si Gerry sa hirap ng buhay sa Maynila, taliwas sa kanyang inaakalang mabuti ang pamumuhay rito, ngunit pinili pa rin niyang magbanat ng buto sa pamamagitan ng pamamasada ng taxi kaysa ibenta ang kanyang sarili na tulad ng ginagawa ng kanyang kaibigan. Ang kanyang naunang pakay na paghahanap kay Choleng ay nauwi sa liko-likong suliranin at hamon ng buhay nang minsan sa kanyang pamamasada ay magkrus ang landas nila ng misteryosang si Lerma (Halina Perez) na siyang may hawak ng susi ng tunay na kinalalagyan ni Choleng.

Karaniwan at gasgas na ang kuwento ng Biglang Liko. Karamihan sa mga eksena rito ay pawang duplikasyon na lamang ng mga naunang pelikulang may ganito ring tema ng kahirapan at prostitusyon. Matapat naman ang pelikula sa layon nitong ipakita ang madilim na kalagayan ng mga maralitang taga-lungsod bagama't biglang lumiko ang kuwento mula sa kahirapan papunta sa karahasan. Pawang kakambal na ng hirap ang marahas na pamumuhay. Sayang at naging mababaw ang pagsasalarawan ng pelikula pagdating sa aspetong ito. Mabuti na lamang at mahusay ang sinematograpiya at ang pagganap nina Gerald Madrid at Harold Pineda. Maging ang baguhang si Nina Lopez ay nagpakita ng kahusayan na di karaniwan sa isang baguhan. Hindi rin malilimutan si Anita Linda sa pelikulang ito bilang isang matandang puta na ibinubugaw ang apo. Dahil sa mga ilang kahusayang ito, di na rin nakakabagot panoorin ang Biglang Liko.