Hubad Na Multo Movie

Labis na nagmamahalan ang magkasintahan na sina Chris (JC Castro) at Cecille (Kat de Santos) subalit tutol ang kinikilalang magulang ni Cecille dahil mas pabor sila sa mayabang na Hapones na si Syoji (Mark Magat). Saksi sa pagmamahalan ng dalawa ang pinsan ni Cecille na si Venus (Rose Valencia) na nagsilbing tulay nila at tagapaghatid ng mga sulat sa panahon na naging mahigpit ang magulang ni Cecille sa relasyon nilang dalawa ni Chris. Lubos ang tiwala ng magkasintahan kay Venus na matagal na palang may gusto at pagnanasa kay Chris. Hanggang sa maaksidente at namatay si Cecille, hindi niya namalayan ang pagtataksil ni Venus na nagpapalit ng mga laman ng mga sulat nila ng masasakit na salita hanggang magkahiwalay sila.

Simple lang ang istorya at ni hindi mapapansin ang pagsapit ng climax. Walang diin ang mga diyalogo lalo na ang pag-arte ng bida. Ang dating aktres na si Isabel Lopez lamang ang nakitaan ng makatotohanang pagganap. Nakatulong naman ang orihinal na musika na inilapat sa pelikula upang magkaroon ito ng saysay. Samantala nakapanghihinayang na hindi nabigyan-pansin ang kagandahan ng lalawigan ng Romblon na maaaring magbigay ng puntos sa kagandahan ng pelikula.