Sa kabila ng sapilitang pagpapakasal kay Tonio (Celso Ad Castillo) na malaki ang tanda sa kanya, sinikap ni Sally (Diana Zubiri) na maging isang mabuting asawa. Nang ampunin ni Tonio ang estrangherong ex-convict na si Dennis (Winston Elizalde) na nagligtas sa kanyang buhay,napukaw ang damdamin ni Sally para sa binata. Samantala, nilustay ng nag-iisang anak na si Eric (Rodel Velayo), anak ni Tonio, ang salaping ninakaw sa ama nang siya ay maglayas. Hinimok ng kasintahang si Leah (Allona Amor) na bumalik sa ama at humingi ng tawad si Eric, ngunit ito'y para lamang makuha na nila ang yamang mamanahin ng binata. Sa napakagandang duck farm ni Tonio nagkasama-sama ang lima at naganap ang mga hindi inaasahan.
Kay gandang tanawin at unawain ang pagpapatakbo ng isang duck farm sa Rizal na epektibong isinalarawan sa pelikula ng ace photographer na si Romeo Vitug. Subalit anumang ganda ng sinematograpiya o mensahe ng pelikulang Itlog ay nalalambungan ng temang KKK – kalaswaan, kasakiman at karahasan, ang mga elemento ng kasamaan na sumisira sa buhay ng isang tao. Meron itong adultery, live-in arrangement, thievery, murder, alcoholism. Maraming sigawan at higit na maraming hubarang hindi naman kailangan ng istorya. Gandang Pilipina si Diana Zubiri at mukhang may ibubuga sa pag-arte. Sayang lang at pinili niya ang daan sa mabilis na pagsikat at pagkakakitaan: ang paghuhubad.