Tatlong maiikling kuwento ang napapaloob sa Red Diaries, na nagtatampok sa aktres na si Assunta de Rossi. Sa unang kuwento, Susana, si Assunta ay isang kabit na walang inaasam-asam kundi kaginhawahan sa buhay, handang kumabit sa sinumang lalaking kayang magbigay ng karangyaan sa kanya, tulad ni Manolo (Dante Rivero). Sa ikalawa, Cara, siya'y isang kagandahang makamandag, walang pakundangang bibitagin ang pinagnanasaang lalaki, kahit na ang lalaki'y nagsisikap maging isang alagad ng Diyos, ang seminaristang si Lito ( Jam Melendez). Sa ikatlo, Lucila, battered wife naman si Assunta, asawa ng pulis na si Anton (Carlos Morales). Sa tindi ng habag sa sarili, natutong makiapid si Lucila, na siya naming naging dahilan upang lalong magmalupit ang pulis.
Mukhang sinikap gawing art film ang Red Diaries, naturingang ganito dahil ang mga kuwentong nabanggit ay pawang nakatala sa iba't ibang tala-arawan (diaries) na kulay pula. Ngunit bilang art filmwalang naidudulot itong halaga na makapag-aangat ng kamalayan ng nanonood. Bagama't masasabing makatotohanan ang pagganap ng mga pangunahing tauhan, lalo na sa Lucila, ang karamihang tauhan sa tatlong kuwento ay hindi kapani-paniwala pagkat mistulang mga karikatura lamang at hindi tao ang mga ito. Hindi ganap ang pagsasalarawan ng tauhan.