Nagsimulang mag-prostitute si Marites (Barbara Milano) sa edad na trese anyos. Bagama't ibinabahay na siya ni Samuel (Allan Paule) na namamahala sa koleksyon ng illegal gambling, kasintahan din niya si Ernie (Rodel Velayo) isang small time na magnanakaw. Isang araw, tinawagan ni Samuel si Marites upang kunin ang bagay na itinago niya sa basurahan. Sa tulong ni Ernie ay natuklasan nila na ang bagay na nakatago ay isang attaché case na may lamang halos isang-milyong piso. Para kay Marites, hulog ito ng langit para iwanan na niya ang pagbebenta ng laman at makapagbagong buhay. Niyaya niya ang dalawa na sumama sa kanya. Nakumbinse ni Marites na sumama si Ernie, ngunit tumanggi si Aris dahil ayaw niya ng gulo tungkol sa pera. Makakamtam kaya ni Marites ang kanyang pangarap, o magtatagumpay ang mga taong nautusan na bawiin ang pera?
May pupuntahan sana ang kwento ng pelikulang ito kung binigyan pansin lamang o hinimay ng mabuti ang pagkakasulat. Halimbawa, sinira ang daloy ng kuwento ng isingit ang mga sex scenes na hindi naman kailangan. Meron ding mga eksena na hindi nadidevelop, tulad nang kung bakit hinanting si Samuel ng mga kalaban at tuluyang napatay. Hindi rin makatotohanan ang pag-arte at ang mga diyalogo na pasigaw pa kung bigkasin. Nakakahilo ang maraming eksena dahil sa magulo at malikot ang kamera.