MAPANUKSO

Ang sabi nila ang pag-ibig ay hindi napipilit at kusa lamang dumadating. Si Carlo (Gerald Lauron), isang mabait at mapagkalingang anak, lingid sa kanyang ina ay nagtatrabaho bilang isang macho dancer sa isang gay bar. Sa trabaho ni Carlo nakilala si Jerome (Emilio Garcia), isang gayproduction manager, na sa una nilang pagkikita ay umibig na ang huli. Tinulungan ni Jerome si Carlo umangat sa buhay sa pamamagitan ng paglapit ni Jerome sa kaibigang direktor upang maisama sa mga proyekto. Nagsama at umusbong ang relasyon ni Jerome at Carlo subalit ang huli ay may tinatagong minamahal, si Donna (Tracy Torres), isa ring mabait at mapagkalingang anak sa kanyang ama na may sakit at nagsasayaw sa klab upang mabuhay. Nabisto ni Donna na may karelasyon na bakla si Carlo. Pinapili ni Donna si Carlo sa kanilang dalawa at pinili niya si Donna. Labis na ikinalungkot ni Jerome ang paghihiwalay nila ni Carlo kayat napag-isipan niyang wakasan ang kanyang buhay at ito'y isinakatuparan niya. Nang malaman ni Lara (Clarissa Mercado), nakababatang kapatid ni Jerome, ang nangyari umuwi kaagad siya galing Amerika upang malaman kung sino ang may kagagawan upang siya ay makaganti. Ang plano ni Lara ay paibigin si Carlo sa kanya nang lubos at kapag alam niyang mahal na mahal na siya ay iiwanan niya ito. Madali bang pigilan ang damdamin lalo na kapag puso na ang umiral?

Maraming pagkukulang sa pelikula at maaaring baguhin sa larangan ng teknikal, istorya at pagganap ng mga bidang artista. Nakapanghihinayang ang husay ni Emilio Garcia sa proyektong ito dahil mababaw lamang ang kanyang karakter na maaari sanang palawakin. Si Clarissa Mercado naman ay may potensyal na maging isang mahusay na aktres kung bibigyan niya ng panahon. Halos lahat ng eksena ay masyadong maliwanag at ang musika na inilathala ay hindi nakakatulong sa eksena. Dahil dito hindi madama ng nanonood ang mga madamdaming eksena ng pelikula. May ilang eksena ay parang kuha ng isang amateur videographer at hindi ng isang cinematographer dahil saliwa ang anggulo ng kuha at mga pinipiling kuha, at hindi pinag-aralan ng komposisyon. Gumamit din ng lumang teknik sa transition ng mga eksena. Sa pangkalahatan, walang naiba ito sa mga ibang pelikula na ang hubad na katawan ng mga artista ang bentahin nito.