Inanunsyo sa isang pagtitipon ang nalalapit na kasal nina Poncy de Reyna (Marcus Madrigal) at ni Lara (Candy Alison). Ngunit nang magmaneho si Poncy nang gabing yaon, nakabundol siya ng isang babaeng tumatakbo nang hubad. Agad itong dinala sa ospital ngunit nang magkamalay ay di maalala nito kung sino siya o kung ano ang nangyari sa kanya. Pinangalanan itong Jennifer (Maye Tongco) ng hospital staff at nalaman nina Poncy at Lara na positibong ginahasa siya ng mga di kilalang lalaki. Dahil sa habag ni Poncy kay Jennifer, minabuti nitong alagaan ang babae at patirahin sa kanyang resthouse sa Batangas. Doon, nabuo ang isang relasyon. Galit na galit naman itong si Lara, kumalas kay Poncy at ipinagpalit ang kaibigan nitong si Allan (Joshua Diaz). Ngunit habang lumalalim ang pagkakakilala ni Poncy kay Jennifer, nalaman ni Poncy na di maganda ang pinagdaanan ni Jennifer. Magkakabalikan pa kaya sila ni Lara?
Kahanga-hanga ang musical scoring na ginawa ni Rey Valera para sa pelikulang ito. Maganda pati ang pagkakabuo ng sound effects ng pelikula. Maliban doon ay mahina na ang lahat sa pelikula—walang maipagmamalaki sa pag-arte ang nga nagsiganap, manipis ang buong kwento at plot development, maraming hindi kapani-paniwala sa pelikula. Katulad ng karamihan ng bold films, masasabing ito'y low budget maliban marahil sa mga pamasaheng ginastos sa mga location shooting. Bagamat pasable naman ang research na ginawa upang ang technical data na kailangan sa script ay magmukhang kapani-paniwala, tulad ng mga katagang ginamit sa pulisya at ospital.