MGA BABAE SA VIP ROOMS

Kasama ng iba pang kababaihan, si Celine (Rose Valencia) ay isang masahista sa isang massage parlor. Gabi-gabi ay iba't-ibang lalaki ang kanyang sineserbisyohan at kadalasa'y binibigyan niya ng "special service." Nang makilala niya ang kauna-unahang lalaking nagpatibok ng kanyang puso, si Reen (Brandon Legaspi), nagdalawang-isip siya kung magpapatuloy pa siya sa kanyang hanapbuhay sapagkat takot siyang hindi ito matatanggap ng lalaki. Kasabay nito'y nakilala naman ng kasamahan niyang si Leona si Burt (Mike Magat) na nangako sa kanya ng wagas na pag-ibig at magandang buhay. Sila na nga ba ang mag-aahon sa kanila sa putikan kinakasadlakan? Kaya ba nilang talikuran maging ang kanilang mga kaibigang babae sa VIP rooms?

Kung may pelikulang maituturing na nagsayang ng negatibo ng film isa na rito ang pelikulang Mga Babae sa VIP Rooms. Walang tinalakay na problema sa pelikula sapagkat wala man lamang itong maituturing na kuwento. Ninais lamang nitong ilahad kung ano ang nangyayari sa mga VIP rooms ng massage parlors gabi-gabi. Bukod doon, ay halos walang pinatunguhan ang pelikula sa kabuuan. Mababaw ang karakterisasyon at manipis ang istorya. Wala itong anumang maaring ipagmalaki mula sa mga malalabong kuha ng kamera na nagbabad sa mga eksenang walang katuturan, hanggang sa walang kabuhay-buhay na pagganap ng mga tauhan na halos hindi kilala. Isang maling pelikula ito kung ang layon ay ipakilala ang ilang baguhang artista dahil walang may maiiwang maganda o kapaki-pakinabang ang pelikulang ito.