Sa pagnanais na magbigay ng isang magandang kinabukasan sa kanyang asawang si Divine (Rose Valencia) at sa kanilang magiging mga anak, nagpilit na mangibang bansa si Lorenzo (Allen Dizon). Tutol dito si Rose pagkat unang-una, buntis na siya at ayaw niya nang nag-iisa; ikalawa, kakakasal lamang nila—ngunit nangibabaw din ang gusto ng lalaki, tutal "tatlong taon lamang", katwurin niya. Sa loob ng tatlong taon, matiyagang naghintay si Divine kahit na siya'y lubos na nangungulila. Pagkaraan ng tatlong taon, humingi pa ng "extension" si Lorenzo hanggang maging limang taon. Samantala, sa matinding pangungulila, nadarang na rin si Divine sa pagnanasa ng masugid na mangliligaw na si Dick. Nang biglaang dumating si Lorenzo mula sa ibang bansa, lulong na ang dalawa sa kanilang kataksilan. Isang gabi, nilisan ni Divine ang mag-ama upang sumama sa mangingibig.
Ang nagdala lamang ng Motel ay ang kuwento nitong kayang panabikin ang manonood sa kabila ng napakaraming kapintasan ng pelikula. Mapurol ang editing kaya nagmukhang tagni-tagni ang pelikula sa dami ng "butas" na humihingi ng paliwanag tungo sa ikabubuo ang istorya, Maaayos pa sana ang script kung pinagbuhusan ng kaunting pang panahon ang pagbubuo nito. Hindi pantay-pantay ang kalidad ng acting o pagsasalarawan ng mga tauhan: minsa'y mukhang totoong-totoo at kapani-paniwala ang mga tagpo, ngunit kadalasa'y nakakapanggigil sa kakulangan ng damdamin— halimbawa: ang dialogue ay isinaulo lamang ngunit hindi isinapuso kaya matabang at maputla ang dating.