Ang Galing Galing Mo Babes Movie

Si Babes (Joyce Jimenez), rape victim ng sariling ama, ay nag-Japayuki sa Japan at nagpapadala na lang ng sustento sa mahal niyang nakababatang kapatid na si Jess (Lester Llansang). Dahil pinagaawayan siya ng mga lalake, nagdesisyon si Babes na umuwi na. Ngunit napinsala siya sa isang aksidente, nangailangan ng plastic surgery, at umuwing bago na ang mukha. Nagtrabaho muli siya sa isang club sa Maynila, kung saan siya naging no.1 prosti, ang tanging kinababaliwan ng lahat ng mga kalalakihan. Iniregalo si Babes ng isang Congressman sa kanyang pamangkin bilang graduation gift. Pagkatapos masilip ni Philip (Marcus Madrigal), isa sa barkada ng pamangkin, ang mainit na pagtatalik ng dalawa, ay sumingit ito at nakipagromansa rin kay Babes, at sa sobrang pagkabaliw sa babae ay niyayang pakasalan ito. Sa akala ni Babes na ito na ang hulog ng langit para sila ni Jess ay mabuhay ng disente, siya'y pumayag naman kaagad. Wala siyang malay na pa-Saudi na pala si Philip kinabukasan. Dahil walang simpatiya ang mga tiyahin ni Philip kay Babes, nagsimula na dito ang mahaba niyang matinik na kalbaryo.

Ang Kay Galing ay kuwento ng isang sex goddess, hindi dahil siya ay kaakit-akit o sexy, kundi dahil napakagaling niya sa kama. Maganda sana ang simula, maging ang mga kuha at tugtog, nang ikuwento ni Babes ang buhay niya, lalo na ang diskarte tungkol sa nakakainggit na pagkakaibigan nila ni Vicky (Ruby Moreno). Ang manonood ay naging sabik sa patutunguhan ng istorya, ngunit nauwi lang sa malaking kabiguan sa isa na namang walang kabuluhang pelikula na maraming komplikasyon at mga tanong na naghahanap ng kasagutan. Ang mga pangunahing nagsiganap, tulad ni Albert Martinez at Joyce Jimenez, na tanyag na mga artista, ay magaling ang pagakakaganap sa papel nilang mga sex maniac, ngunit di kaya nasayang ang kanilang mga talino sa ganitong walang katuturang pelikula?