Venus Dyosa Ng Kagandahan Movie

Matapos pagtangkaang gahasain ng kanyang tiyuhin at hiyain ng kanyang tiyahin sa harap ng kanilang mga kapitbahay, tumakas mula sa kinalakihang bahay ang dalagang si Venus (Aya Medel). Nagtungo siya sa isang isla kung saan naninirahan ang kanyang ina, isang kalapating mababa ang lipad at kilalang "parausan" ng mga lalaki sa kanilang lugar. Masalimuot ang buhay sa islang yaon na pinaghaharian ng mga masasamang-loob na nangangalakal ng shabu at sandata. Di naglaon, naging katulad na ng kaniyang ina si Venus, at ang buhay niya'y nasangkot na rin sa kaguluhan ng buhay sa isla.

Kung Venus, Diyosa ng Kagandahan ang pamagat ng pelikula, natural lamang na umasa ang manonood na ang kuwento'y tungkol kay Venus. Ngunit hindi ito ang nangyari. Maraming kuwentong pinaghahabi-habi ang pelikula, ngunit walang iisang kuwentong nangingibabaw upang matawag na "plot" nito. Malabo ang mensaheng gustong ipaabot ng Venus bagama't malinaw na gustong kumita nito sa takilya. Bakit namin nasabi ito? Pagka't napakarami at napakahaba ng mga eksenang nagbibilad sa katawan ng mga artistang babae—sariwa man o "gurang." Sinikap ng pelikulang maging "kuwela" sa maraming manonood sa pamamagitan na pagsisiksik dito ng mga sangkap na karaniwang "kumikiliti" ng madla, tulad ng "tarayan" ng mga bakla, mga kakuwanan ng isang sintu-sinto, ang mabangis na pagbababag ng mga babae dahil sa lalaki, mga eksena ng panggagahasa, ang pagka-karate ng isang pari (na nagka-anak sa isang babaeng bayaran bago siya pumasok ng seminaryo), mga batukan at sampalang wala sa lugar, at iba pa. Ang resulta? Tsapsuy. Halu-halong kalamay na umiinsulto sa katalinuhan ng manonood na Pilipino.