Sa Bahid, biktima ng panggagahasa si Loida (Dina Bonnevie), ikalawang asawa ng mayaman at dating heneral sa hukbong sandatahan na si Don Lorenzo Lavares (Eddie Garcia). Nakababatang kapatid ni Loida si Erika (Assunta de Rossi)—isang masungit na spoiled brat na may malaking galit sa mundo. Pinatay ni Lavares ang nanggahasa kay Loida, kinupkop nito ang magkapatid at itinuring na sariling anak si Erika. Nagkagustuhan at nagpakasal si Erika at si Rodney (Diether Ocampo), anak ni Lavares, ngunit dumalas nang dumalas ang pag-aaway nila pagkat ayaw ni Rodney ang kagustuhan ni Erika na bumukod na sila ng bahay. Napilitang magtapat si Erika tungkol sa "pagtatangka" sa kanya ni Lavares (bilang dahilan ng kanyang hiling na magsarili silang mag-asawa) ngunit hindi pa rin maniwala si Rodney, hanggang sa tumakas si Loida at Erika upang lumaya sa pagkakabilanggo sa marangyang tahanan ni Lavares. Naisipan ng magkapatid na gumawa ng bitag para masilo si Lavares kung saan mahuhuli sa akto ni Rodney ang ama at si Erika. Naniwala na si Rodney sa magkapatid, at dito lalong uminit ang mga pangyayari.
Mahusay ang pagkakaganap ng mga pangunahing artista: makatotohanan, kapani-paniwala, may damdamin. Akma rin ang paggamit ng musika, tunog at liwanag— nakadaragdag ito ng kahulugan sa eksena at sa damdaming isinasaad ng kuwento. Maganda rin ang kuwento, maayos ang takbo, at sa kabuuan ay karapat-dapat ang dialogue sa istorya. Ang pananamit at tirahan ng mga tauhan ay bagay din sa kani-kanyang mga papel. Ngunit may ilang mga "gusot" sa editing na hindi marahil makalulusot sa mga mapunahin o matatalas ang mata, tulad ng pagbabago-bago minsan ng lighting, panghihina ng volume ng pagsasalita, ang paglitaw sa eksena ng mga mikropono, at ang magkaminsa'y bigla at di kapani-paniwalang paglaho ng pagkalasing ni Loida—mga bagay na distracting at nakababawas sa pagiging makatotohanan ng pelikula.