Mapapait ang mga alaala ng kabataan ng magkapatid na si Robert (Rodel Velayo) at Marites (Rita Avila) sa kamay ng kanilang malupit na amang si Leoncio (Tommy Abuel). Lumayo sila sa ama at ni hindi na nila ito dinalaw; abala si Marites sa kanyang negosyong ukay-ukay, at ang arkitektong si Robert naman ay humaling na humaling sa kasintahang si Leslie (Ana Capri). Nang mangailangan si Marites upang ipangtustos sa asawang mangingibang-bansa, inudyukan nito si Robert upang siputin ang ama at alamin kung ano na ang istado ng kanilang mamanahing ari-arian. Natuklasan nila dito na may kasama na si Leoncio—si Annie (Diana Zubiri), isang dalagang nawala sa sarili at napadpad lamang sa bahay ni Leoncio ay tuluyan nang kinupkop at pinakasalan nito gawa ng magkahalong pagnanasa at habag: maalindog at batang-batang si Annie subali't may kapansanan ito sa utak.
Buong-buo ang kuwento at mahusay ang pagsasalarawan ng Bakat na isinulat ng batikang si Lualhati Bautista. Makatotohanan, kapani-paniwala at magaling ang pagganap ng mga artista, pangunahin man, pumapangalawa o ekstra. Akma rin ang musika at sinematograpiya sa takbo ng kuwento. Bagama't may mga "gusot" sa editing, maituturing na ring mahusay ito sapagkat maayos ang daloy ng pelikula, walang nasasayang na eksena, o kaya'y pinahahaba pa nang higit sa hinihingi ng kuwento. Pinag-isipan din ang pagpili ng lugar at mga tanawin sa setting na lalawigan, bagay na nakadagdag sa ganda at pagkamakatotohanan ng pelikula.