Buka Pandan Movie

Nang maulila, si Bining (Maricar de Mesa) at si Esper (Pyar Mirasol) ay inalagaan ng kanilang Inana o lola (Lucita Soriano). Isang tahimik at maralitang buhay ang kanilang nakagisnan at laki sila sa pangaral at kagandahang-asal. Kababata nila si Miguel (Paolo Rivero) na umiibig kay Esper. Dumating si Louie (Tonton Gutierrez) mula Maynila upang ang lupaing iniwan ng ama ay gawing isang resort. Kinailangang gumawa ng daluyan ng tubig mula sa bukal na katabi ng dampa nila Bining. Nagseselos ang kasintahang si Hazel (Nicole Noble) dahil malapit si Louie sa magkapatid. Naakit ang mapusok na si Esper sa binata at nagkaroon sila ng minsang pagtatalik na hindi nalingid kay Bining. Isang gabi, natagpuan ang bangkay ni Louie sa bahay nito. Sino ang may mabigat na motibo para patayin siya?

Kahanga-hanga ang mga eksena sa Buko Pandan na gawa ng isang magaling na sinematogropiya. Masisiyahan ka sa piling location sa Laguna. May buhay ang bawat tanawin. Ang mga kaugalian, pagpapahalaga at tradisyon ng mga Pilipino ay isinabuhay sa kuwento. Kinilala si Uro de la Cruz sa kanyang kakayahan bilang direktor sa pelikulang Bahay ni Lola nitong nakaraang Manila Film Festival. Muli ay napatunayan niya ito sa Buko Pandan. Pansinin din na siya ang sumulat ng kuwento na epektibong naisalin sa pelikula (screenplay). Samantala, kung pupunahin ang mga posters at advertisements ng pelikula, tila sinasabi na isa itong bold film. Subalit kapag tinignan ang kabuuan ng pelikula, ito ay pinagsamang drama at mystery na bumuo ng isang magandang kuwento. Kaya lang hindi na ba titigil ang mga prodyusers na akitin ang mga manonood sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mahahabang sex scenes?