Hindi lang eskandalosa ang tawag kay Lorena (Barbara Milano) dahil sa kanyang mga relasyong sekswal, kundi itinuturing din siyang salot sa mga kalalakihan ng kanilang baryo. Bakit wala siyang kapaguran sa mga lalake? Bakit may mga buhay na ibinuwis dahil sa kanya? Mauunawaan ba ng kanyang mga kababayan ang isang malungkot na karanasan ng kanyang kamusmusan na siyang naging ugat ng kanyang kasalukuyang buhay? Ano ang hangganan ng buhay na ito?
Ang Eskandalosa ay namumutiktik sa sex at pilit na ginawang creative art pero bastos pa rin ang dating! Totoo namang napakaganda ang mga piniling tanawin para sa setting at maganda ang inilapat na musika, pero ang editing ay nakaka-dismaya. Nasunod na naman ang gusto ng prodyuser na busugin sa eksenang sex ang pelikula para maibenta ito! Ang kredibilidad ni Romy Vitug sa sinematograpiya ang tanging mapupuri sa aspetong teknikal.