Showing posts with label maricar de mesa. Show all posts
Showing posts with label maricar de mesa. Show all posts

Buka Pandan Movie

Nang maulila, si Bining (Maricar de Mesa) at si Esper (Pyar Mirasol) ay inalagaan ng kanilang Inana o lola (Lucita Soriano). Isang tahimik at maralitang buhay ang kanilang nakagisnan at laki sila sa pangaral at kagandahang-asal. Kababata nila si Miguel (Paolo Rivero) na umiibig kay Esper. Dumating si Louie (Tonton Gutierrez) mula Maynila upang ang lupaing iniwan ng ama ay gawing isang resort. Kinailangang gumawa ng daluyan ng tubig mula sa bukal na katabi ng dampa nila Bining. Nagseselos ang kasintahang si Hazel (Nicole Noble) dahil malapit si Louie sa magkapatid. Naakit ang mapusok na si Esper sa binata at nagkaroon sila ng minsang pagtatalik na hindi nalingid kay Bining. Isang gabi, natagpuan ang bangkay ni Louie sa bahay nito. Sino ang may mabigat na motibo para patayin siya?

Kahanga-hanga ang mga eksena sa Buko Pandan na gawa ng isang magaling na sinematogropiya. Masisiyahan ka sa piling location sa Laguna. May buhay ang bawat tanawin. Ang mga kaugalian, pagpapahalaga at tradisyon ng mga Pilipino ay isinabuhay sa kuwento. Kinilala si Uro de la Cruz sa kanyang kakayahan bilang direktor sa pelikulang Bahay ni Lola nitong nakaraang Manila Film Festival. Muli ay napatunayan niya ito sa Buko Pandan. Pansinin din na siya ang sumulat ng kuwento na epektibong naisalin sa pelikula (screenplay). Samantala, kung pupunahin ang mga posters at advertisements ng pelikula, tila sinasabi na isa itong bold film. Subalit kapag tinignan ang kabuuan ng pelikula, ito ay pinagsamang drama at mystery na bumuo ng isang magandang kuwento. Kaya lang hindi na ba titigil ang mga prodyusers na akitin ang mga manonood sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mahahabang sex scenes?

Bedtime Stories

Tatlong iba't-ibang kuwento ng kakaibang "gusto" ng tatlong iba't-ibang babae: Kung Gusto Mong Masaktan, Gusto Mong Nananakit ang una na tungkol kay Marta (Maricar de Mesa) na walang awang sinaktan at ipinagtabuyan ng kanyang asawang si Lino (Anton Bernardo). Nakatagpo si Marta ng panibagong buhay at mundo sa piling ng isang lesbiyanang bar girl (Ynez Veneracion) na may naiibang koleksiyon ng mga "hayop." Kung Gusto Mo sa Malamig na Bangkay ang ikalawang kuwento, ay na tungkol sa gurong si Vangie (Maricar de Mesa) sa isang maliit na eskuwelahan sa baryo na kinahumalingan ng kanyang estudaynteng si Benjie (Iraz Melchor), anak ng embalasamadorang si (Elizabeth Oropesa). Sa Kung Gusto Mong Lumipad naman ay nagkrus ang landas ng dalawang estranghero (Maricar de Mesa at Wendell Ramos) sa madilim na tahanan ng best friend ng babae. Kapwa nila pagsasaluhan ang dilim ng gabi sa kagustuhang "lumipad" sa pansamantalang ligayang dulot ng bawal na gamot, na mauuwi sa kakila-kilabot na engkuwentrong magbibigay kasagutan sa misteryo ng pagkawala ng may-ari ng bahay.

Mula sa kapwa batikang direktor (Maryo J. delos Reyes) at manunulat (Jun Lana) na nagbigay ng trilohiyang Red Diaries, narito muli ang isang pelikulang halos kauri nito. Ang malaking kaibahan nga lang, mas matapang at mas madilim ang mga temang tinalakay sa Bedtime Stories. Matapang na inilahad ng pelikula ang ilang uri ng sexual deviations (sadismo-masokismo, lesbianismo, nekropilya, droga) sa kakaibang kuwento ng tatlong iba't-ibang babae. Mas may kahusayan ang Bedtime Stories kumpara sa naunang pelikulang nabanggit kung teknikal na aspeto ang pag-uusapan. Maayos ang tunog at kuha ng kamera. Pulido ang pagkakahubog ng mga kuwento maging ang mga diyalogo. Nakatulong din ang mahusay ng pagganap ng pangunahing tauhang si Maricar de Mesa na may sariling pamamaraan sa pag-arte. Nabigyang-buhay niya ang iba't-ibang karakter na kanyang ginampanan. May mga ilang eksena lamang sa pelikula na pawang lumaylay at napahaba tulad ng mga sayaw sa bar. Sa kabuuan, malinis at maayos ang pagkakahabi ng mga kuwento sa Bedtime Stories.

Onsehan Movie

Isang matinik na magnanakaw si Ricci (Carlos Morales). Tauhan siya ni Banjo (John Apacible) na miyembro ng isang sindikatong pinamumunuan ni Blue Max (Ricardo Cepeda). Binabalak ni Ricci na talikuran ang masamang hanapbuhay at ipinangako sa sariling huling lakad na ang ipinagagawa sa kanya ni Banjo na kunin ang isang kahong nakatago sa isang bodega. Walang malay si Ricci na may lamang brilyante ang kahon. Kapalit nito ang malaking halaga na magagamit niya sa pagbabagong buhay. Nagbago lahat ang plano niya nang datnan niyang hinalungkat ang bahay niya at may naiwanang laruan na Pekemon. Nagtaka siya sa mga pangyayari kaya't nagtago na siya sa takot na mapatay ng sindikato. Nakilala niya si Aliya (Maricar de Mesa) at napaibig dito. Huli na nang malaman niyang tauhan din pala ito ni Banjo. May pag-asa pa ba si Ricci na makatakas sa masalimuot na gulong ito at tuluyang magbagong buhay?

Ang Onsehan angunang pelikula ginawa ni Eugene Asis. Bagama't binigyan ng panahon ang maaksyong eksena hindi pa rin orihinal ang mababaw na istorya at ang maraming eksenang hindi na kailangan. Nakabawi lang ang pelikula sa bagong bidang si Carlos Morales. Mahusay umarte at nagpakita ng charisma. Maganda ang dialogo, makulay at buhay kaya lang kung minsan ay hindi magandang pakinggan. Ang mahirap paniwalaan sa pelikulang ito ay parang hindi alam ng mga siga at mga batikang hudlum ang mga pamamaraan ng smuggling.