Isang mapait na nakaraan ang nagtulak kay Eva (Aya Medel) upang magkaroon ng iba't-ibang relasyon sa mga lalake. Nagsilbi siyang salot at lason sa mga lalaking nagdaan sa kanyang buhay. Si Don Raymundo (Eddie Gutirrez) na gumahasa sa kanya, si Dante (Allen Dizon) na kanyang kasintahan, si Atty. Caparos (Brandon Legaspi) na namamahala sa kanyang mana …..ilan lang sila sa mga biktima ng kanyang poot at paghihiganti. Saan hahantong ang ganitong buhay?
Mayroon ba ngayong festival ng bold films? Para kasing mga nagsulputang kabute ang mga malalaswang pelikulang ipinapalabas ngayon! Bakit tila yata nakakaligtas ang mga pelikulang ito sa "talas ng gunting"? Walang masasabing maganda o mabuti sa pelikulang Eva. Ang iyong tenga ay pupunuin ng malalaswang lengguwahe at ang iyong mata ay bubusugin ng marumi't mahalay na seks. Ang napakaraming eksenang seksuwal ay nakakasuka. At tulad ng maasahan, ang seks dito ay pang-akit sa manonood.