Gamitan Movie

Kilala sa campus ang pagiging playboy ng basketball star na si Nick (Wendell Ramos), bagama't tinutudyo ito ng barkada na ang kaya lamang niyang "ikama" ay ang mga babaeng tulad niya na "mahihilig." Nagpustahan ang barkada ni Nick na hindi nito mahihimok ang birheng si Cathy (Maui Taylor) upang isuko sa binata ang kanyang virginity. Si Cathy ay isang freshman sa kolehiyo na kilalang matalino na ay matino pa, at hindi katulad ng kanyang ateng playgirl na si Diane (Patricia Javier). Tinanggap ni Nick ang hamon, at pagka't tagahanga ni Nick si Cathy, hindi nahirapan ang binatang paamuin ang dalaga at makuha ang pinagpustahan. Napuno ng galit at paghihiganti ang puso ni Cathy nang siya'y "ibasura" na lamang ni Nick kinabukasan. Sa pamamagitan ng panunukso at pang-uuto kay Louie (Jordan Herrera)—kaibigan at kaklase ni Cathy na matagal nang may pagtingin sa dalaga—ay naisagawa nito ang sukdulang paghihiganti kay Nick.

Tulad ng karamihan sa mga pelikulang "bomba", mukhang pinag-abalahan talaga ang mga eksena sa kama dito, ngunit pinabayaan naman ang iba. Halimbawa, mahahaba at detalyado ang eksenang kama, maingat sa lighting, sounds at cinematography; ngunit mahihilo ka naman sa likot ng kamera at mabibingi ka sa lakas ng bunganga ng mga karakter sa mga eksena sa paaralan. Bagama't pasable na rin ang direksiyon (na lumutang sa pagganap ni Herrera at Ramos sa banding huli), napakarupok naman ng karakterisasyon—nagmukha tuloy isang istorya lamang ito ng apat na tauhang pare-parehong may sira sa ulo, sa halip na isang kasaysayang may pahatid na gintong aral sa kabataan. Sayang, sapagka't kung ibabatay lamang sa reaksiyon ng mga binatang nanood ng pelikula noong unang araw ng paglabas nito, ang nananatili sa isipan ng manonood ay ang mga hubaran lamang; tila walang nakapuna sa mga aral na napapaloob sa kuwento.