Tatlong iba't-ibang kuwento ng kakaibang "gusto" ng tatlong iba't-ibang babae: Kung Gusto Mong Masaktan, Gusto Mong Nananakit ang una na tungkol kay Marta (Maricar de Mesa) na walang awang sinaktan at ipinagtabuyan ng kanyang asawang si Lino (Anton Bernardo). Nakatagpo si Marta ng panibagong buhay at mundo sa piling ng isang lesbiyanang bar girl (Ynez Veneracion) na may naiibang koleksiyon ng mga "hayop." Kung Gusto Mo sa Malamig na Bangkay ang ikalawang kuwento, ay na tungkol sa gurong si Vangie (Maricar de Mesa) sa isang maliit na eskuwelahan sa baryo na kinahumalingan ng kanyang estudaynteng si Benjie (Iraz Melchor), anak ng embalasamadorang si (Elizabeth Oropesa). Sa Kung Gusto Mong Lumipad naman ay nagkrus ang landas ng dalawang estranghero (Maricar de Mesa at Wendell Ramos) sa madilim na tahanan ng best friend ng babae. Kapwa nila pagsasaluhan ang dilim ng gabi sa kagustuhang "lumipad" sa pansamantalang ligayang dulot ng bawal na gamot, na mauuwi sa kakila-kilabot na engkuwentrong magbibigay kasagutan sa misteryo ng pagkawala ng may-ari ng bahay.
Mula sa kapwa batikang direktor (Maryo J. delos Reyes) at manunulat (Jun Lana) na nagbigay ng trilohiyang Red Diaries, narito muli ang isang pelikulang halos kauri nito. Ang malaking kaibahan nga lang, mas matapang at mas madilim ang mga temang tinalakay sa Bedtime Stories. Matapang na inilahad ng pelikula ang ilang uri ng sexual deviations (sadismo-masokismo, lesbianismo, nekropilya, droga) sa kakaibang kuwento ng tatlong iba't-ibang babae. Mas may kahusayan ang Bedtime Stories kumpara sa naunang pelikulang nabanggit kung teknikal na aspeto ang pag-uusapan. Maayos ang tunog at kuha ng kamera. Pulido ang pagkakahubog ng mga kuwento maging ang mga diyalogo. Nakatulong din ang mahusay ng pagganap ng pangunahing tauhang si Maricar de Mesa na may sariling pamamaraan sa pag-arte. Nabigyang-buhay niya ang iba't-ibang karakter na kanyang ginampanan. May mga ilang eksena lamang sa pelikula na pawang lumaylay at napahaba tulad ng mga sayaw sa bar. Sa kabuuan, malinis at maayos ang pagkakahabi ng mga kuwento sa Bedtime Stories.