Kinahuhumalingan at sinasamba ng mga kalalakihan si Margarita (Pyar Mirasol), isang mananayaw sa bar ng isang baryo. Isa sa kanyang naging masugid na tagahanga ay si Rommel (Alvin Anson), na nabighani sa kanya sa unang gabi lamang na makita nito ang paggiling ni Margarita sa entablado. Ngunit hindi gaanong pansin ni Margarita si Rommel sapagkat mahal na mahal niya si Alvaro (Mike Magat), ang itinuturing niyang asawa bagama't ito ang naglublob sa kanya sa putikan, na siya ring may-ari ng bar. Sa kabila ng makamandag na alindog ni Margarita sa tuwing siya'y sumasayaw ay nanatili ang dalisay nitong mga pangarap sa buhay na magkaroon ng isang pamilya at mamuhay ng mapayapa. Ngunit magiging mailap ang pangarap na ito sa kanya. Sa halip ay isang masalimuot na buhay ang kanyang kakaharapin sa piling ni Alvaro. Makakatagpo lamang siya ng pag-asa kay Rommel ngunit ang lubos na kaligayahan ay magiging mailap pa rin sa kanilang dalawa.
Nakakabagot ang lahat ng bagay sa Katawan Mo, Langit Ko. Animo'y iniinsulto ng pelikula ang kakayanan ng manonood na mag-isip at magbigay pakahulugan sa kanilang karanasan. Hindi mawari ng CINEMA kung paanong inilahad ang ganitong klase ng kuwento sa Pilipino Komiks. Parang walang pinatutunguhan ang istorya at walang anumang mensahe sa kabuuan ng pelikula. Maging titulo nito'y walang kaugnayan sa kuwento. Napakaliit ng naging papel ni Margarita sa takbo ng istorya. Nasaan na ang sinasabi nilang kamandag niya? Madilim na pag-iilaw, laylay na editing, kakatwang musika at tunog, di kaaaya-ayang disenyong pamproduksiyon. Salat sa kaalaman at kahusayan ang lahat ng bagay sa Katawan Mo, Langit Ko. Mula sa direksiyon hanggang sa pag-arte ng mga nagsiganap, nangangailangan ang pelikula ng mas masusi at mas masigasig pang pagsusumikap upang maiangat ang kalidad ng pelikulang kanilang ginagawa.