Kasiping Movie

Kapwa nasa problemadong mga relasyon sina Gilda (Halina Perez) at Romeo Rodel Velayo). Si Gilda, sa kanyang ka-live in na si Boggs (Dante Balboa) na parang walang balak na siya ay pakasalan matapos ang tatlong taon nilang pagsasama. Si Romeo naman ay buong lamig na pinakikisamahan ng asawa nitong si Rowena (Diana Zubiri). Kapwa nakatira ang dalawang pares sa isang condominium building. Nagkrus ang landas nina Boggs at Rowena at may namagitan sa dalawa. Kapwa nila ito itinago sa kani-kanilang asawa ngunit madidiskubre rin sa kalaunan ni Gilda. Nalaman din ni Romeo ang lahat at naging magkatuwang sila ni Gilda sa problema. Ang kanilang pagkakaibigan ay nauwi rin sa pagsisiping. Saan kaya sila dadalhin ng kanilang pagpapalipat-lipat at pagpapalit-palit ng kandungan?

Gasgas na ang tema at istorya ng Kasiping na mababaw na tumalakay sa problemang pakikiapid. Naging nakakabagot ang daloy ng kuwento; kungdi isiningit ang pagpapatawa ng mga batikang komedyanteng sina Giselle Sanchez at Long Mejia ay makakatulog ang manonood sa kabagalan ng napaka-predictable na kuwento. Maraming kakulangan ang pelikula pagdating sa aspetong teknikal. Mula sa malamlam at di-makatotohanang karakterisasyon ng mga pangunahing tauhan (lalo na ng mga bidang sina Diana Zubiri at Halina Perez), hanggang sa sinematograpiya at disenyong pamproduksyon. Pati ang mga diyalogo ay pawang di angkop sa karakter ng mga nagsiganap. Sa kagustuhan ng Kasiping na bigyan ng bagong bihis ang gasgas nitong tema, ang naging resulta ay isang kakatwa ng pelikula na napagiwanan na ng panahon at ebolusyon ng pelikulang Pilipino.