Lollipop

Si Teresa (Via Veloso) ay isang guro na pinagnanasahan ng kanyang estudyanteng si Angelo (Shanghai). Kahit ikinasal na si Teresa kay Arturo (Mon Confiado), di pa rin tumigil sa pag-asa si Angelo na balang araw ay mapapasakanya si Teresa. Nagkaroon si Angelo ng pagkakataong mapalapit kay Teresa ng maging saksi siya sa pang-aabuso ni Arturo kay Nene (Maye Tongco), ang nakababatang kapatid ni Teresa na may diperensiya sa pag-iisip. Nahatulan at nakulong si Arturo. Lingid sa kanilang kaalaman, hindi lamang si Arturo ang nagsamantala kay Nene kundi maging ang nakatatandang kapatid ni Nonoy (Joel Ortega) na parati nitong kalaro. Palibhasa'y isip bata, nasusuyo si Nene ng mga kalalakihang hayok sa laman sa pamamagitan lamang ng pagbili ng mga ito ng paborito niyang kendi, ang lollipop.

Kung ang pelikula ay pawang kendi, ang Lollipop ang uring di na dapat pang tangkilikin pagkat kulang na kulang ito sa tamis upang maging kaaya-aya. Mali ang pagkakatimpla ng halos lahat ng elemento sa pelikulang ito: nakababagot ang daloy ng kuwento; kakatwang musika at tunog na di tumutugma sa damdaming nais ipahayag ng eksena; malabong kuha ng kamera; nakaririmarim na pagganap ng mga pangunahing tauhang tulad nina Maye Tongco (ang isa sa pinakamasagwang pagkakaganap ng retarded sa kasaysayan ng pelikula) at Shanghai (paano ba naging artista ang isang ito?), at di makatotohanang diyalogo. Kung mayroon mang makapagsalba sana sa pelikula, ito ay ang matapat na pagganap ni Mon Confiado. Ngunit siya'y nag-iisa lamang kumpara sa dami ng kapalpakan mayroon ang pelikula. Kung susumahin, ang lahat naman ay pagkukulang ng direktor na siyang may pananagutan sa pelikula bilang isang sining at hindi isang pampalipas-oras lamang.