Pansamantalang iniwan ng rebeldeng si Bernard (Leandro Baldemor) ang asawang si Ligaya (Halina Perez) upang harapin ang isang misyon. Sa kanyang pag-iisa, ang likas na mabait na si Ligaya ay nanatiling tapat sa asawa. Hindi niya pinansin ang tsismis na balang araw ay maghahanap siya ng ibang lalaki. Maraming pagkakataon din na naiwasan niya ang mga lalaking nais magsamantala sa kanya. Nabalitaan niyang napatay si Bernard ng mga pulis sa isang enkuwentro. Upang iwasan ang lungkot na dinaranas at ang masakit na panghuhusga ng mga taga San Bartolome, sumama siya sa dating kasintahang si Mark (John Apacible). Dito nagsimula ang masalimuot na buhay ni Ligaya.
Patuloy pa rin ang ilan sa ating mga prodyuser sa paggamit ng pormulang 4H – halik, hubad, higa, hingal – tulad ng Ligaya… Pantasya ng Bayan. May kuwento sana at aral na mapupulot, pero nagdudumilat pa rin ang katotohanan na ito ay isang sex film. Mabilis ang editing ng buong istorya, pero hindi na-edit ang anim na napakahabang eksena sa pagtatalik. Magaling si Odette Khan sa kanyang papel at ang binatilyong si Rocky Ramirez ay tila may ibubuga sa pag-arte kung hahawakan ng isang batikang direktor.