Bihasa si Mama Sandra (Elizabeth Oropesa) sa larangan ng negosyong "escort services", isang katawagan sa mataas ng uri ng prostitusyon, bilang isang bugaw. Nakapisan sa kanyang tahanan ang kanyang mga alagang escorts at siya na ring nagsisilbing ina ng mga ito. Bilang isang negosyo, ang pambubugaw ay ang ipinangtataguyod niya sa dalawa niyang anak na walang kinikilalang ama. Nagsimula ang matinding kalbaryo ni Sandra ng umalis sa kanyang puder si Joy (Jenine Desiderio), ang kanyang pinakamatalinong alaga bilang pagrerebelde nito sa diumano'y panlalamang ni Sandra sa kanila. Kakalabanin ni Joy sa parehong negosyo si Mama Sandra at ito'y sinumulan niya sa pagkupkop ng dalawang alagang pinagtabuyan ni Sandra. Dahil dito ay naging sukdulan ang galit ni Mama Sandra at patuloy ang kanilang bangayan hanggang sa madiin si Sandra sa krimen na hindi niya ginawa.
Maraming kakulangan ang Mamasan sa pagsasalaysay. Pawang abala ang manunulat at direktor na haluan ang kuwento ng komentaryong panlipunan sa pamamagitan ng satirikong paggamit sa mga kasalukuyang isyu ng bayan. Madalas tuloy mawala ang kuwento sa sentro nito na si Mama Sandra. Kapansin-pansin din na halos mas binigyang buhay ang papel ni Joy kaysa kay Sandra. Samakatuwid ay sabog ang istorya ng Mamasan at mahirap sundan at tumbukin ang kuwento nito na pawang pinagtagpi-tagpi at pinilit lang lagyang hugis. Nasayang lamang ang husay ng sinematograpiya ni Romy Vitug at ang maiiigting pagganap ng mga kilalang artistang sina Desiderio, Oropesa at Gil.