Masarap Ba Ang Bawal Movie

Ang katahimikan ng lalawigan ang nais ng manunulat na si Eman (JC Castro) upang matapos ang ginagawang nobela. Magiliw siyang tinanggap ng kanyang Tiyo Dado (Bob Soler) at ang batambatang asawa nitong si Salome (Pyar Mirasol). Nakilala din niya ang mag-asawang Igno (Mike Magat) at Lucing (Camille Roxas) na katiwala sa piggery at poultry ng mabait na tiyo. Naakit si Salome kay Eman at unti-unting tinukso ang binata—na hindi nalingid kay Lucing. Hindi rin ito naitago kay Igno na nakikiapid din kay Salome na siya ngayong dahilan ng namumuong galit sa kanyang dibdib. Malalaman ba ni Dado ang katraydorang ito?

Karaniwan ang kuwentong may elemento ng sex, drama at aksyon, bagama't ang pinakalaman ay ang tema ng "bawal na pag-ibig." Masyadong magalaw ang kamera, may mga dialogong hindi maintindihan, at labis ang dami ang mga mahahabang tagpo. Narito uli ang karaniwang gawain ng mga prodyuser at direktor na gumamit ng rural scenes para maging maganda't magaan sa paningin ng manonood ang "pangbalot" sa mga sex scenes. At dahil sex ang gustong bigyang-diin sa kuwento, mayroong malalaswang eksena na hindi naman kinakailangan upang mabuo ang istorya.