Prosti Movie

Sa pelikulang Prosti, bugaw si Nonoy (Jay Manalo) sa "casa" ni Xedes (Racquel Villavicencio). Dito niya nakilala si Ditas (Aubrey Miles) isa sa mga babae sa "boarding house" ni Xedes. Mahalaga si Ditas kay Xedes at "reserbado na kay Gov" pagkat ito diumano'y "donselya" o wala pang karanasan sa sex. Pinagnasaan ni Nonoy ang dalaga hanggang sila'y nagkarelasyon at ginusto na niyang ilayo ang babae sa trabahong iyon. Sapagka't bawal sa casa ang magkarelasyon ang bugaw at babae, pinalayas ni Xedes si Nonoy nang mahantad ang kanilang lihim. Sa kawalang pag-asa ni Nonoy sa sinapit na kapalaran, nagbalik ito kay Xedes upang makiusap na papasuking muli sa casa, ngunit siya'y nabigo. Nag-away ang dalawa, nanaig ang karahasan at nauwi ito sa pagkamatay ng isa sa kanila.

Kapuna-puna na pinag-ukulan ng panahon ang paggawa ng Prosti: may plano at hindi pangkaraniwan ang mga anggulo ng kamera, ma-drama ang lighting, angkop ang tugtugin, kapani-paniwala ang mga tauhan pagkat bagay sa kanilang mga papel ang mga artistang gumanap. Heto naman ang mga kapintasan: Bagama't may istoryang matatawag, sanga-sanga ang plot at hindi gasinong makinis ang takbo ng Prosti. Bagama't nagsikap na gawing realistic o makatotohanan ang kuwento, may mga kalabisan ito na nakasisira sa kabuuan ng pelikula, tulad ng dialogue na sagad sa kabulgaran, o kaya'y ng mga sex scenes na nakakabagot na sa haba. Gawa ng mga kalabisang ito, magtataka tuloy ang manonood kung gusto ba talaga ng Prosti na magsalarawan ng buhay, o gusto lang ba nitong "manguryente" ng mga taong babayad ng limampung-piso para manood ng pinagtagni-tagning retaso ng buhay?