Sagad sa balatkayo at kamunduhan ang pagkatao ni Paula Monreal (Via Veloso). Taliwas sa kanyang panlabas na kahinhinan ang kanyang pakikipagrelasyon sa hardinero nilang si Noli (Harold Pineda). Nang malubog sa pagkakautang ang Villa Monreal, ang kapatid ni Paula na si Corazon (Sydney Segovia) ang inaasahang makakapagsagip dito sa pamamagitan ng pagpapakasal kay Simon (Jeffrey Gonzales). Ngunit hindi nais ni Corazon na pakasalan si Simon sa dahilang wala siyang pagmamahal dito. Aakuin ni Paula ang responsibilidad ng pagsagip sa Villa Monreal. Bagama't masasaktan si Noli, aakitin ni Paula si Simon upang mabaling sa kanya ang atensiyon nito at siya ang pakasalan. Ngunit hindi dalisay ang layunin ni Paula sa pagtubos ng Villa Monreal. Ang totoo'y nais niyang kamkamin ang yaman ng kaniyang pamilya. Lingid sa kanyang kaalaman, isang pagbabalatkayo rin ang pagmamahal sa kanya ni Simon. Kapwa kasakiman at hindi pagmamahal ang namamayani sa kanilang dalawa. Ngunit sa paghahangad nila ng kagitna, isang salop ang maaaring mawala.
Maraming pagkukulang sa aspetong teknikal ang Sagad, sanga-sanga ang kuwento na pawang walang isang direksiyon. Resulta tuloy ay ang ilang tauhan ay nakakaligtaang bigyan ng buhay hanggang sa kahulihan. Tulad na lamang ng karakter ni Purita (Julia Lopez) bilang kapatid ni Paula sa ama na hindi napanindigan ang halaga ng papel sa kabuuang kuwento. Ngunit hindi naman sagad ang pagiging sabog ng pelikula. Nakuha pa rin nitong manatili sa sentro ng istorya. Nariyan din ang pagsusumikap at sinseridad sa pagganap ng mga pangunahing tauhan na sina Via Veloso at Sydney Segovia. Kung sila man ay pawang nagiging karikatura, pagkukulang na ito ng direktor na talaga namang kulang sa imahinasyon at sagad ang pagbabalewala sa sining ng pelikula. Ang musika ay hindi umaakma sa damdaming nais ipahayag ng pelikula.