Sex Files Movie

Nakamulatan na ni Macmac (Lester Llansang) ang mga kuwento at balitang seks dahil sa pagtitinda niya ng diyaryo kasama ng lola niya. Kaugnay nito ay masusubaybayan niya ang tatlong kuwento na katulad ng nababasa niya sa pahayagan. Sa unang episode ay mag-asawang bakla at tomboy sina Georgina (Barbara Milano) at Mauro (Richard Quan) na nagsisikap bumuo ng pamilya sa likod ng mga tunay nilang pagkatao. Subalit mananaig ang mga damdamin at pagnanasa ng katawan nila sa mga karelasyong katulad nila ang kasarian. Sa ikalawang episode ay sasama ang loob ni Rodelia (Ana Capri) sa kapatid na si Leah (Pyar Mirasol) dahil nalaman niya na kick-out na pala ito sa eskwelahan. Maghihinga siya ng sama ng loob sa boyfriend niyang inmate na si Angel at may mangyayari sa kanila. Tuluyan silang magsasama sa paglaya ni Angel at magiging magkatuwang sa negosyo, pero matutuklasan niyang mayroon na pala itong pamilya at ginagamit lamang siya. Sa ikatlong episode ay isang anak mayaman na nagrerebelde sa muling pag-aasawa ng ama si Nelia (Halina Perez). Sasamantalahin ni Gareth (Paolo Rivero), na inaakala niyang disente, ang katayuan niyang ito at siya ang magpapahamak sa kanya. Malalathala sa dyaryo ang kaso ng panggagahasa kay Nelia sa tulong ng stepmother (Pinky Amador) niyang journalist na magbubuwis ng kanyang buhay dahil sa kaso.

Walang masyadong lumutang sa aspetong teknikal ng pelikula. Biglaan ang pagpapalit ng mga eksena at naapektuhan nito ang daloy ng mga kwento. Maingay ang background at kulang sa balanse at focus ang mga kuha ng kamera. Maayos naman ang pagganap ng mga pangunahing tauhan bagamat hindi gaanong kagalingan. At hindi rin nito naisalba ang kabuuan ng pelikula.