Tukaan Movie

Si Jerick (Allen Dizon) ay kabilang sa kilalang angkan ng mga babaerong sabungero: ang kanyang Lolo Gorio (Berting Labra) na mahilig pa ring mangalabit ng babae kahit 80 anyos na, at ang kanyang amang si Mang Ador (Lito Legaspi) na kinamumuhian niya dahil sa idinulot nitong luha at lungkot sa ina niyang si Aling Puring. Dahil "nasa dugo" niya diumano ang pagiging palikero, hindi pa magkasya kay Jerick ang pagkakaroon ng isang mabuting maybahay, si Joanne (Halina Perez), na diumano'y mahal na mahal niya't di ipagpapalit kaninuman. Bagama't may tangkang magpakatino na mula nang mag-asawa, hindi naglaon ay "bumigay" na din siya—hindi nga ipinagpalit ang asawa ngunit nagkaroon naman ng kabit na prosti, at nakabuntis pa ng katulong.

Sa sabong, ang tinutukoy ng katagang Tukaan ay dalawang manok na nagtutukaan sa laban, at kadalasan ito'y nau-uwi sa 'tukaan to death.' Ngunit dahil ito ang pamagat ng pelikula ng mga ilang bold star, ay mahuhulaan na ng manonood na ito'y 'tukaan to ecstacy.' May istorya naman, ayos na din ang direksiyon, at pwede na ang pagganap nina Dizon at Perez, lalo na ang mga beteranong artistang sina Khan at Legaspi. Ngunit nandiyan pa din ang kabagalan ng daloy ng kuwento, at ilang ligaw na eksena na hindi naman kailangan.