KISKISAN

Umiikot ang kwento sa isang prominenteng pamilya sa San Miguel, Bulakan. Si Lola Susanna (Anita Linda) may tatlong apo na sina Jojo (Emilio Garcia), ambisyoso, dominante at may halong pagkamuhi kay Marvin, si Marvin (Gardo Versoza), mabait, mapagkumbaba, at si Olive (Ana Capri) na may lihim na itinatago. Dahil sa pagkatao ni Jojo, lahat ng kanyang maibigan, pera man o babae, ay kanyang nakukuha kahit sa paanong paraan. Wala siyang kabusugan sa mga makamundong bagay, ngunit bigo siya kay Adora (Red Riviera) na kanyang tunay na mahal–-sapagkat si Marvin ang minamahal ni Adora. Ang balak ni Jojo ay agawin kay Marvin si Adora kahit na mag-asawa na sila sa pamamagitan ng panggigipit at panlilinlang. Nagkunyari si Jojo na wala siyang kinalaman sa mga kamalasan ng mag-asawa tulad ng pagkasunog ng kanilang bahay at pagtanggal ni Marvin sa trabaho sa munisipyo. Bagkus pinalabas niya na matulungin siya sa mga ito. Dumating ang panahon na may mabigat na suliranin ang pamilya ni Adora at wala rin siyang matakbuhan kundi si Jojo. Labis na ikinatuwa ni Jojo ang mga pangyayari dahil lalong nababaon sa utang sa kanya ang mag-asawa. Sa mga pagsubok na hinahaharap nila, hanggang kailan kaya tatagal ang pag-ibig nina Adora at Marvin? Pera o pag-ibig ba ang dapat maging sukatan ng isang relasyon?

Kapansin-pansin ang kahusayan ng mga pangunahing gumanap, maliban kina Halina Perez (Gemma) at Red Riviera na nangangailangan ng pagsasanay sa pag-emote ng kanilang linya. Ang sinematograpiya sa pangkalahatan ay mahusay, maliban sa halatang pabor na binibigay ng director sa mahusay na artista na ang kanyang mga eksena ay "artistic" ang gawa. Sa kabilang dako ang salat sa "acting ability" ay "ine-exploit"sa pamamgitan ng paghuhubad. Paminsan-minsan maliwanag ang ilang eksena na dapat ay madilim. Ang musika naman at tunog ay akma sa mga eksena. Naliko ng landas ang kuwento dahil hindi malaman kung paano maipapakita kung paanong mabaon sina Red sa utang na loob kay Emilio na hindi gagamit ng mga gastadong dahilan tulad ng suliranin sa pamilya.