Si Pauleen (Diana Zubiri) ay isang liberated woman, pati na ang kanyang mga kabarkadang sina Trixie (Francine Prieto), Frankie (Rodel Velayo) at Katrina (Tuesday Vargas). Sa kani-kanilang liberated na pananaw, naiiba ang kay Pauleen sapagkat ang kanyang pagiging liberated ay nangangahulugang walang pakundangan sa sasabihin ng ibat basta't masunod lamang ang hilig ng kanyang katawan. Walang trabaho at walang direksyon ang buhay, kung kani-kaninong lalaki siya pumapatol basta't kanya itong matipuhan. Naging malaking dagok sa kanya nang hiwalayan siya ng kanyang nobyong si Tony (Christian Vasquez) dahil nahuli siya nitong nakikipagtalik sa ibang lalaki. Niligawan ni Tony si Trixie at ang dalawa'y nagkatuluyan. Lingid sa kanilang kaalaman, labis pa rin ang pagkagusto ni Pauleen kay Tony. Kung kaya't nang nakitaan nito ng butas ang relasyon ng dalawa, siya ay nanghimasok upang guluhin ito. Saan kaya siya dadalhin ng kanyang liberated na pananaw sa buhay at relasyon?
May istorya ang Liberated, at sinikap pa nga nitong magbigay-aral, ngunit hindi naging kapani-paniwala ito gawa ng maraming mga kakulangan. Sa parting teknikal, hindi pambihira ang pelikula—sa katunayan pa nga ay kulang sa maraming aspeto, tulad ng editing, tunog, atbp. May mga eksenang panggulo lamang sa istorya ngunit pangiliti sa manonood, tulad ng "panghahagip" ng mga bakla. Hindi rin consistent ang sinematograpiya—kapag eksenang-kama, pinipilit nitong maging makasining, ngunit sa iba naman ay karaniwan lamang. Masasabing tapat ang pag-arte ng mga pangunahing tauhan, subalit hindi rin naman maikakaila na walang gasinong hinihinging kakayahan ang kanilang mga papel maliban lamang sa kakayahang maghantad ng katawan at "makipagtalik" sa harap ng kamera.