Showing posts with label Francis Enriquez. Show all posts
Showing posts with label Francis Enriquez. Show all posts

SABIK SA PAG-IBIG

Ang kahinaan ng tao sa tukso ay muling naisalarawan sa pelikulang ito sa buhay ni Nena (Rajah Montero). Siya ay madaling nahuhumaling at napapaibig dahil sa mga matatamis na pananalita ng mga lalaking ang gusto lamang sa kanya ay ang kanyang alindog. Sa una niyang kasintahan naibigay ang kanyang sarili at nang malaman niya na niloloko pala siya, nagsimula siyang umawa ng mga bagay na hindi niya pinag-iisipan. Sa isang masugid niyang manliligaw, si Rico (Francis Enriquez) siya nagpakasal. Subalit si Rico ay baog at kulang sa ambisyon sa buhay. Dahil sa kahirapan na dinaranas nila, madali siyang nabola ni Bob (Alberto Esteban) at siya ay nabuntis nito. Nang malaman ni Rico ang kalagayan ni Nena, pinalayas niya ang asawa na kinupkop naman ni Mang Saba. Subali't parang itinakda ng tadhana na nang oras na niyang manganak ay wala si Mang Saba at si Pepe (Mark Dionisio) ang nagpaanank at nag-alaga sa kanya. Ito na kaya ang simula ng pagkakaroon ng direksyon sa buhay ni Nena? Maraming pang dapat gawin sa pelikulang ito upang maging karapat-dapat sa mga manonood. Kulang pa sa pagsasabuhay ng mga pangunahing artista ang kanilang mga karakter. Hindi gaanong maayos ang komposisyon at ang mga eksena minsan ay tumatalon. Mahaba at "close-up" ang mga "breast exposure" na eksena at ganon din ang mga eksenang pakikipagtalik. Marahil ang isang magandang bagay ay ang mga kuha ng mga tanawin sa Nueva Vizcaya. Pinipilit ng direktor maging makasining sa paggamit ng mga "special camera shots" sa isang eksena ng pagtatalik sa may ilog, subalit di rin maganda ang pagkakagawa.

Ang pelikulang ito ay nahahanay sa mga ibang pelikula na upang mapansin ang isang baguhang artista ay madalas nakahubad at nakikipagtalik sa iba-ibang kaparehang lalaki. May mga eksenang pampatawa na wala sa lugar tulad ng pamboboso ng tiyuhin at kapatid ni Pepe kay Nena. Pinipilit bigyan ng aral ang pelikulang ito, subalit hindi lumutang ito gawa ng dalas ng paghuhubad ng mga artista. Kung meron mang aral na mapupulot ito ay ang pagpili ng tamang desisyon sa buhay, maging matatag sa tama at marunong humingi ng tawad sa mga nagawang mali.

PILYA

Pilya itong si Lucy Cristobal (Trina Shields). Pumasok siya sa Sogo Hotel na nakasuot-madre, nagsigarilyo't nakipaghalikan sa katipang si Jayjay (Nixon Cruz), inakit ang titser na si Ms. Fernandez (Kristina Kasten), at tinukso si Bernard Guillermo (Joey Galvez) na halos lumabas ng seminaryo. Tanging ang kanyang maysakit na kapatid na si Grace Castro (Melissa Mendez) ang nakaaalam kung bakit siya nagkaganito. Ngunit hindi maganda ang kanilang relasyon kung kaya't pinalayas nito ang kapatid nang mabalitaan niyang nasangkot si Lucy sa isang drug raid. Tumira siya sa Sogo Hotel upang ipagpatuloy ang kanyang kapilyahan. Dito'y natuklasan niyang may "double life" si Mauro (Bobby Benitez), ang asawa ni Grace. Dito rin ang huling paanyaya ni Grace na umuwi na si Lucy upang ipagtapat ang lihim na itinago sa kanya bago siya pumanaw. Mananatili pa bang pilya si Lucy matapos niyang malaman ito?

Halatang ang pagkakapili sa pangunahing artista ay dahil lamang sa kanyang katawan; maliban dito ay wala ni anumang husay ang pagkakaganap sa istorya. Mahina ang mga dialogo nito; tagni-tagni ang mga kuha, at mabagal ang pag-usad ng kwento. Sa positibong antas, nababanaag naman ang gilas ng direktor upang makalikha ng isang kapani-paniwalang pelikula—makikitang gumaganda ang kalidad ng sinematograpiya, balanse ang mga kuha, at maganda ang pagkakailaw ng mga madidilim na lokasyon. Ang nakapagtataka ay kung paano nakunan ang labas ng mga seminaryo't malalaking simbahan, ngunit ang loob ng mga ito'y tila isang maliit na kapilya lang ang makikita.