Showing posts with label aubrey miles. Show all posts
Showing posts with label aubrey miles. Show all posts

XEREX

Tatlong uri ng mga babae ang naglahad ng kani-kaniyang sexperience na pawang nalathala sa artikulong Xerex: Sa "Kama", si Breezy (Aubrey Miles) ay isang kolehiyala na unti-unting namumulat sa sex dahil na rin sa kanyang modernong Lola (Armida Siguion-Reyna) na bukas sa usaping pagtatalik. Minsan sa isang costume party ay di sinasadyang nakaniig niya ang campus heartthrob na si Hunk (Jake Roxas). Aakalain ni Breezy na si Hunk ay seryoso sa kanya ngunit sadya pala itong mapaglaro kung kaya't gumawa siya ng paraan upang paglaruan at makaganti dito. Sa "O" naman ay malapit ng ikasal si Marge (Aubrey Miles) na naguguluhan kung siya ay tutuloy pa sa pagpapakasal sapagkat hindi niya naranasan sa lalaking kanyang pakakasalan ang rurok ng ligaya o orgasm. Naranasan niya ito sa isang estranghero (Kalani Ferreira) na kanyang nakaniig ng limang magkakasunod na araw. Ito ang lalong nagpalala ng kanyang pagkalito. Isang probinsiyanang elevator girl naman si Jasmin (Aubrey Miles) sa "Butas" na pinagpapantasyahan ang isang matipunong lalaking (Jon Hall) araw-araw sumasakay ng elevator. Nag-umigting lalo ang kanyang mga pantasya nang masilip niya sa "butas" ang pakikipagtalik ng kanyang bagong kapit-kuwarto.

Isang makabago at kakaibang uri ng paglalahad ng kuwento ang Xerex. Nagsubok ang pelikulang tumaliwas sa kumbensiyon ng tipikal na pelikulang bold o drama. Naging matagumpay naman ang Xerex sa aspetong ito sapagkat pawang batikan ang manunulat (Roy Iglesias) nito't direktor (Mel Chionglo). Maayos ang daloy ng kuwento ng bawat kabanata na hindi lamang nakasentro sa "sexperience" kundi nabigyang lalim at laman din ng pelikula ang mas makabuluhang aspeto ng kuwento. Wala nga lang malinaw na iisang konsepto ang trilohiya kung kaya't hindi gaanong malinaw ang nais sabihin nito sa kabuuan. May mga mangilan-ngilang sablay din sa editing. Hindi pa rin maikakailang hilaw at malamlam ang pag-arte ni Aubrey Miles. Hindi niya tuloy nadala ang pawang mga baguhan niyang kasama bagkus ay nahila pa niya ang mga ito pababa. Naisalba naman siya ng ilang batikang artista na di matatawaran ang husay tulad nina Armida Siguion-Reyna at Ynez Veneracion.

Prosti Movie

Sa pelikulang Prosti, bugaw si Nonoy (Jay Manalo) sa "casa" ni Xedes (Racquel Villavicencio). Dito niya nakilala si Ditas (Aubrey Miles) isa sa mga babae sa "boarding house" ni Xedes. Mahalaga si Ditas kay Xedes at "reserbado na kay Gov" pagkat ito diumano'y "donselya" o wala pang karanasan sa sex. Pinagnasaan ni Nonoy ang dalaga hanggang sila'y nagkarelasyon at ginusto na niyang ilayo ang babae sa trabahong iyon. Sapagka't bawal sa casa ang magkarelasyon ang bugaw at babae, pinalayas ni Xedes si Nonoy nang mahantad ang kanilang lihim. Sa kawalang pag-asa ni Nonoy sa sinapit na kapalaran, nagbalik ito kay Xedes upang makiusap na papasuking muli sa casa, ngunit siya'y nabigo. Nag-away ang dalawa, nanaig ang karahasan at nauwi ito sa pagkamatay ng isa sa kanila.

Kapuna-puna na pinag-ukulan ng panahon ang paggawa ng Prosti: may plano at hindi pangkaraniwan ang mga anggulo ng kamera, ma-drama ang lighting, angkop ang tugtugin, kapani-paniwala ang mga tauhan pagkat bagay sa kanilang mga papel ang mga artistang gumanap. Heto naman ang mga kapintasan: Bagama't may istoryang matatawag, sanga-sanga ang plot at hindi gasinong makinis ang takbo ng Prosti. Bagama't nagsikap na gawing realistic o makatotohanan ang kuwento, may mga kalabisan ito na nakasisira sa kabuuan ng pelikula, tulad ng dialogue na sagad sa kabulgaran, o kaya'y ng mga sex scenes na nakakabagot na sa haba. Gawa ng mga kalabisang ito, magtataka tuloy ang manonood kung gusto ba talaga ng Prosti na magsalarawan ng buhay, o gusto lang ba nitong "manguryente" ng mga taong babayad ng limampung-piso para manood ng pinagtagni-tagning retaso ng buhay?